First published on Flipgeeks
“Don’t judge the book by its cover,” ika nga. Pero sa mundo ng komiks, ang pabalat ang unang taga-hatak ng mga mambabasa. Bago sila unang titigil sa pwesto mo sa convention, cover ang una nilang makikita. Sunod na eksena: bubuklatin na nila ang mga pahina at eestimahin kung ito nga ba ang gusto niyang komiks na pag-aaksayahan ng panahon. Happy ending kung iaabot na ng mamimili ang kanyang bayad sabay hihingin ang inyong pirma.
Binili ko ang “Hipon Gamay” dahil natuwa ako sa cover. Pambata ang drawing ng isang lalaking tila may namamagang pisngi. Batukan ninyo ko kung ako ang mali, pero inisip ko kasi na kakaiba para kay RH Quilantang na nakasanayan nang iugnay sa superhero niyang si Manila Man na iasa ang kanyang kwento sa ibang artist, si Odree. Walang Manila Man dito, kundi tatlong magkakaibigang nasa sa isang drinking session na napunta sa usapang pag-ibig.
Pero mula sa manunulat na naisip na ihi ng isang engkanto o alien (depende kung anong bersyon ang paniniwalaan mo) ang pinagmulan ng kapangyarihan ni Manila Man, kakaiba rin ang tinakbo ng kwento.
RH Quilantang, writer, "Hipon Gamay"
Ang mga eksenang pagkasawi sa pag-ibig ng bida, pamilyar na at nabasa ko na sa ilang comics. Sa pag-usad ng kwento, aakalain mong napunta na ang usapan sa relasyong lalaki sa lalaki. Hanggang bubulagain ka sa dulo ng comics, mapapakamot ka ng ulo, muling babalikan ang cover at masasabing “Kaya pala.”
Matalino ang storytelling technique ni Quilantang na una niyang plinanong ilabas sa isang pelikula. Isang kapanapanabik na love story ang “Hipon Gamay.” Pero sa likot ng isip ni Quilantang, panahon lang ang makapagsasabi kung tama bang ikahon ko ang kwento niya sa isang genre.
_________________________________________________
Matagal-tagal na rin akong hindi nakapagsulat tungkol sa komiks sa Flipgeeks. Nakasalalay kasi ito sa dikta ng panahon at ng laman ng aking wallet. Kung nais ninyong padalhan ako ng kopya ng inyong komiks, guluhin ninyo ako sa twitter: @jeralduy o mag-iwan ng mensahe sa www.facebook.com/KomiksReporter.
Jerald Uy