From: Isang baguhang komikero
Re: Anong Petsa na? Nasaan na ang komiks mo?
—————————————————————————————————————
Dear Nagkukubling Komikero,
Ilang beses ka nang tumitingin sa indie tiangge. Naka-ilang basa ka na rin ng mga artikulo kung paano sumulat o gumuhit para sa komiks. Alam mong may gusto kang ikwento. Kwentong matagal-tagal mo nang gustong ilabas, para bang tsismis na nalaman mo mula sa kapitbahay o tawag ng kalikasan matapos kang makipag-pyesta sa buong barangay.
Siguro nga baliko pa ang katawan ng bida mo. Siguro nga natatanga ka pa sa subject-verb agreement. Pero ito na nga ang kwento mo, nakasilip na. Iring-iri ka na pero bakit hindi mo pa rin inilalabas?
Isa lang ang naiisip ko. Takot ka. Takot kang mapahiya.
Minsan napadaan ka sa Facebook group, sabi ng isang creator na maraming nang naisulat na komiks, madali lang gumawa ng komiks pero mahirap maging propesyonal. Sabay hirit ng “Think about it.” Natakot ka. Hindi ka naman kasi pasok sa batayan niya ng pagiging propesyonal.
Minsan napuno ang screen mo ng mga teaser ng mga maglalabasang komiks para sa susunod na comic convention. Pamatay ang mga drawing nila. Pati ang konsepto ng kwento, ‘di mo inaasahang maiisip nila. Nanalo na sila ng Palanca, nominado sa Eisner at nagtratrabaho para sa Marvel. Muli, natakot ka.
Dahil sa takot na ikaw ay magkamali, mapagtawanan at mapahiya, isasantabi mo muna ang pangarap mong komiks. Hanggang lumipas ang mga taon, nangangarap ka pa ring magsulat o gumuhit ng komiks pero kahit kailan hindi mo pa sinimulan ang script mo o ang pagguhit ng mga tauhan mo. Kung matutuloy ang paggunaw ng mundo sa Disyembre, mamamatay ka pa ring naglalaway na gumawa ng sarili mong komiks.
Sabi ng Fil-Canadian comics writer na si J. Torres sa akin, “If you want to become a writer, then write, write and write.” Kung maghihintay ka pa kung kailan ka “ready” batay sa pamantayan ng iba, wala kang masusulat. Wala kang masisimulan.
J. Torres: "If you want to become a writer, write, write and write." |
Wala ka ring matutunan. Paano mo malalaman kung ano ang kakulangan mo kung papangunahan ka ng maliit na pagtingin mo sa kakayahan mo? Hindi mo kailangang maging mayabang. Hindi mo kailangang gumaya sa iba.
Magaling ka. Huwag kang matakot kung basura ang kalabasan ng una mong komiks. Ang isang portfolio na posible mong isumite sa isang kumpanya o publisher, nagsisimula sa ilang pahina. Ang mga bagong kaibigan na maaring tumulong sa iyo kung paano ka mas magiging magaling na manunulat o dibuhista, makikilala mo sa mga convention.
Kaya naman ‘wag kang patakot sa mga nauna sa’yo na tila itinakda ang kanilang mga sarili na hari ng mundong papasukan mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon, sila ang nasa tama.
Manga style ba ang trip mo? Love story ba ang kwento mo? Go lang. Ang komiks naman ay medium, tulad ng pelikula o serye sa telebisyon. ‘Wag kang paapekto sa mga nagsasabing nababawasan ang pagka-Pilipino mo dahil sa sinulat o iginuhit mo.
So anong petsa na? Nasaan na ang komiks mo? Papabasa ko rin sa’yo ang akin para mas maayos ko pa. Tayong mga baguhan, dapat nagtutulungan.
Kitakits,
Isang baguhang komikero
*First published at Flipgeeks.
Jerald Uy
No comments:
Post a Comment