Isandaang piso ang kailangan mo para makapasok sa Bayanihan Center. Anuman ang dahilan kung bakit ganoon ang halaga ng entrance fee, wala tayong pakialam. Hindi venue, mesa, souvenir o airconditioning unit naman ang binabayaran mo, kundi ang karanasan.
Ito ang madalas na sinasabi ko sa sarili ko noong estudyante pa lang ako. Ang swerte ko nga dahil nasa kabilang kanto lang ng UP Mass Comm ang Bahay ng Alumni, ang orihinal na tahanan ng Komikon.
Time-space warp: 2006
Kung hamon ang star ng noche buena, si Leinil Yu ang star ng Komikon noon. |
Kung hamon ang star ng noche buena, si Leinil Yu ang star ng Komikon noon.
Swerte ko pa, napadaan si Leinil Yu. Siyempre, starstruck ako. Kapag kasi binaligtad mo ang apelyido ko, kamag-anak ko na siya. Binigyan niya ako ng libreng sketch ng ulo ni Wolverine. Salamat, Sir Leinil sa ulo!
Si Carlo Vergara, hiningan ko ng drawing ni Zsa Zsa Zaturnnah.Sabi ko, action pose gawin niya, ang binigay niya, full-page ni Zsa Zsa na nakataas ang mga kamay at tila nanlalandi. “O ayan action pose,” nakasulat sa tabi ng pirma niya. Ibang aksyon naman ‘ata ang iniisip niya.
Dalawang tig-bebenteng indie ang nabili ko. Sa araw na iyon, P140 ang gastos ko.Ok na rin. Pero sana nabili ko pa iyong isang comics, saka iyong isa pa, saka iyong isa pa. Gets n’yo na.
Time-space warp: 2011
From fans to creators. |
Pero ang mga nakakaaliw na mamimili na nakita ko, iyong mga estudyante na balik ng balik sa table.Titingin at bubuklatin ang tindang comics, saka sasabihin “naku, paano kaya ‘to?” Kitang-kita mo sa mukha, gusto na niyang bumili kaso baka magkulang naman siya sa pamasahe o halos napunta na sa Trese o Pugad Baboy ang pera niya.
Sa huli, pagkatapos ng ilang ikot niya sa buong Bayanihan Center, lumapit na rin siya at naglabas na ng pera. Success!
Mayroon din namang nanghatak pa ng barkada para humingi ng second opinion. Salamat naman, napabili na rin siya. Pero iyong isa niyang kaklase, tinanong ako kung mabibili ba ang comics ko sa susunod na convention. Next Komikon daw niya bibilhin.
Aminin na natin. Entrance fee pa lang, kung hindi kalahati, iyon na ang halaga ng allowance niya para sa isang araw.
Ang Komputasyon kung walang Kumpetisyon
Sa mundong walang kumpetisyon o Trese o Manix Abrera, ang taong gawa ko lang ang pinunta sa Komikon, ito ang komputasyon:
P100 Entrance Fee
P 60 Segovia Solutions # 1 (with free digital colored copy)
P 49 Jolibee 49er meal
P 32 Tricycle mula Robinsons Pioneer (balikan)
P 24 MRT (balikan)
———————————————-
P265
Sabihin na nating, naglakad lang itong si Toto mula Edsa at nagdala ng baon, P160 pa rin ang kailangan ng potential customer ko, katumbas ng halos limang tanghalian sa isang karinderya.
Kaya naman lubos ang pasasalamat ko sa mga estudyanteng bumili ng komiks namin noong nakaraang Komikon. Gaya noong estudyante pa ako, alam kong marami pa silang gustong bilhin.
First published at Flipgeeks. |
Sa ngayon kasi, walang mass-produced comics na sasakto sa allowance ng mga estudyante. Noong nasa grade school pa ako, may Funny Komiks, na naabutan kong P8 at noong high school naman ako, nariyan ang Culture Crash Comics na nagsimula mula P50 hanggang naging P100.
Tanging sa mga comic convention tulad ng Summer Komikon lang sila mapapakilala sa mga abot-kayang komiks pero iilan lang ang kopya. Sana ang pagka-bitin din ng mga kabataang dumadalo sa mga comic convention ang magtulak din sa kanila na lumikha ng sarili nilang komiks.
Jerald Uy
No comments:
Post a Comment